Mojdeh, White hakot ng ginto sa Batang Pinoy

Ang winning form ni Parañaque tanker Micaela Jasmine Mojdeh sa girls’ 16-17 butterfly event ng Batang Pinoy.

MANILA, Philippines — Maagang nagparamdam ang Parañaque swimming team matapos humakot ng apat na gintong medalya sa 2023 Batang Pinoy swimming competition na ginaganap sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.

Bumandera sa kampanya ng Parañaque si Brent International School standout Micaela Jasmine Mojdeh na humakot ng tatlong gintong medalya sa girls’ division.

Unang pinagreynahan ni Mojdeh ang 200m Individual Medley matapos magtala ng impresibong dalawang minuto at 28.18 segundo.

Pinataob ni Mojdeh si Lora Amoguis na may malayong 2:31.04 para magkasya sa pilak gayundin si Aubrey Tom na naglista naman ng 2:34.51 sapat lamang sa tanso.

Humataw pa si Mojdeh sa 50m butterfly para makuha ang kanyang ikalawang gintong medalya sa torneo.

Nakipagsanib-puwersa rin si Mojdeh kina Heather White, Julia Ysabelle Basa at Kiera Macaraig upang masungkit ang gintong medalya sa girls’ 4x50m medley relay.

Galing sina Mojdeh at White sa matamis na kampanya sa Winter Juniors swiming championships sa Bellevue, California sa Amerika.

“I am still tired coming from Winter Juniors and a bit jet lagged arriving just three days prior to Batang Pinoy. But I am happy that my time was not way off my personal best. Thanks to my coaches for guiding me through the back to back meets,” ani Mojdeh.

Maliban sa 4x50m medley relay, kumana pa si White ng ginto sa girls’ 100m freestyle event kung saan nagsumite ito ng matikas na 58.85 segundo.

Inilampaso ni White sina Trixie Ortiguerra (1:01.55) at Jie Talosig (1:01.60) na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.

“I have worked super hard to train and prepare for it this year. However, I owe it all to my parents and Bellevue Club Swim Team for their endless support and I’ll ensure to make them proud,” ani White.

Show comments