MANILA, Philippines — Naisuko man ng Bolts ang 29-point lead sa third period ay hindi naman sila pinabayaan ni Chris Banchero na matalo.
Ipinasok ng Fil-Italian guard ang isang winning floater sa huling 2.8 segundo ng laro para sa 97-94 pagtakas sa NLEX at solohin ang third spot sa Season 48 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tumapos si Banchero na may 15 points para sa 4-1 baraha ng Bolts sa ilalim ng Magnolia Hotshots (5-0) at Phoenix Fuel Masters (5-1).
Ngunit hindi natapos ni import Su Braimoh, humakot ng 38 points, 8 rebounds at 4 assists ang laro nang magkaroon ng left ankle injury sa huling 3:55 minuto ng fourth quarter.
“Big bucket for us. A win is a win you know but obviously more than that we’re worried with Su,” wika ni coach Luigi Trillo sa kanilang import na hindi na nakabalik sa laro. “You know he felt something in his Achilles.”
Nahulog ang Road Warriors sa pangalawang dikit na kamalasan para sa 2-4 kartada matapos palitan ni import Stokley Chaffee si NBA veteran Thomas Robinson.
Ilang beses tinangka ng Road Warriors na makalapit hanggang makatabla sa 94-94 mula sa 3-pointer ni Don Trollano sa huling 22 segundo.
Kasunod nito ang krusyal na jumper ni Banchero para sa 96-94 abante ng Bolts sa huling 2.8 segundo na sinelyuhan ng free throw ni Bong Quinto.