Omega itinakas ang Altas sa Pirates

MANILA, Philippines — Isinalpak ni Mark Omega ang isang game-winning triple para ilusot ang University of Perpetual Help System DALTA kontra sa Lyceum of the Philippines University, 81-80, sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.

Pinahaba ng Altas ang kanilang ratsada sa apat para itaas ang baraha sa 8-7 at patibayin ang tsansa sa Final Four kasabay ng pagpigil sa five-game winning streak ng Pirates para sa 11-4 marka.

Dalawang free throws ang naimintis ni Lyceum  star Enoch Valdez na nagresulta sa pabandang triple ng 6-foot-5 na si Omega sa huling 2.4 segundo ng fourth quarter para sa pag-eskapo ng Perpetual.

“Hindi ako makapaniwalang nagawa ko. Sob­rang saya, hindi ko maipaliwanag ang saya ko,” sabi ng tubong Cagayan Valley sa kanyang tres.

Tumapos si Omega na may 10 points at 12 rebounds para sa Perpetual.

Samantala, sinolo ng Mapua University ang lide­rato matapos agawin ang 71-69 panalo tampok ang triple ni Paolo Hernandez sa huling 14.2 segundo ng fourth period.

Ipinoste ng Cardinals ang 12-3 kartada kumpara sa 8-6 marka ng Red Lions.

Sa unang laban, tuluyan nang pinatalsik ng College of St. Benilde ang San Sebastian College-Recoletos, 78-68.

Humakot si Will Gozum ng 14 points, 8 rebounds at 4 assists para sa 10-5 record ng Blazers at inilaglag ang Stags sa 5-10 marka para makasama sa bakasyon ang Arellano Chiefs (2-12) at ‘three-peat’ champions Letran Knights (1-14).

Show comments