HANGZHOU – Nagsulong ang Team Philippines ng tatlong gold, dalawang silver at dalawang bronze medals sa chess standard event sa 4th Hangzhou Asian Para Games kahapon dito.
Pinuwersa ni Menandro Redor sa draw si Turkmen top seed Atabayev Aygdogdy sa seventh at final round para walisin ng men’s squad ang B2-B3 standard event at maging unang double gold medalist sa continental sportsfest.
Nagtala si Redor ng 5.5 points katabla si Iranian Amir Rabbi Khorasgani, ngunit nakuha ng Pinoy chess player ang gold via tiebreaker sa seven-round series.
Nakasama ni Redor sa pagkopo sa ginto sa men’s team event sina Armand Subaste at Darry Bernardo.
Ang ikatlong gold ay nagmula kay Atty. Cheyzer Crystal Mendoza na nagreyna sa women’s individual standard PI event sa kanyang 5.5 points.
Bigo naman si FIDE Master Sander Severino at ang tropa sa men’s PI event kung saan naghari sa team at individual events ang Indonesia.