Lyceum sinolo ang liderato

MANILA, Philippines — Sinolo ng Lyceum of the Philippines University ang liderato matapos lusutan ang University of Perpetual Help System Dalta, 76-73, sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.

Isinalpak ni Vince Cu­nanan ang dalawang krusyal na free throws sa natitirang anim na segundo para ibigay sa Pirates ang 3-0 record kasabay ng paghuhulog sa Altas sa 0-2 marka.

Nagawa ng Perpetual na makabangon mula sa 18-point deficit para makadikit sa 73-74 galing sa three-point shot ni Carlo Ferreras sa nalalabing 22 segundo.

Ngunit ang dalawang foul shots ni Cunanan ang sumelyo sa panalo ng Lyceum na nakahugot kay Enoch Valdez ng 13 points.

Umiskor sina Jelo Razon at Mark Omega ng tig-14 markers sa panig ng Altas.

Sa unang laro, tumipa si rookie guard Mark De Leon ng 16 points para tulungan ang San Sebastian College-Recoletos sa 111-86 pagdaig sa Arellano University.

Ito ang unang panalo ng Stags, nakakuha kina Rafael Are at Jessie Sumoda ng 15 at 14 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa 1-1 kartada.

Laglag ang Chiefs sa 0-2 marka.

Show comments