MANILA, Philippines — Ibinigay ni wushu fighter Arnel Mandal ang unang pilak na medalya ng Team Philippines sa 19th Asian Games na ginaganap sa Hangzhou, China.
Nagkasya sa pilak si Mandal matapos yumuko kay Jiang Haidong ng host China sa gold-medal match ng wushu men’s sanda 56kg division.
Nairehistro ni Haidong ang 2-0 panalo sa pamamagitan ng winner by point difference (WPD) sa labang ginanap sa Xiaoshan Guali Sports Centre.
“Ginawa ko ang lahat sa finals pero hindi tayo pinalad. Sa mga umaasa sorry better luck next time na lang po. Pero thankful pa rin ako na nakapag-uwi ako ng silver medal,” ani Mandal.
Nakapasok si Mandal sa finals matapos patumbahin si Avazbek Amanbekov ng Kyrgyzstan sa pamamagitan ng 2-0 desisyon sa semifinal round.
Sa kabila ng kabiguan, masaya si Mandal sa nakamit nitong pilak na medalya na iniaalay nito sa kanyang mga kababayang patuloy na sumusuporta sa mga atletang Pinoy.
“Lahat naman ng competiton nacha-challenge ako lalo na sa malaking competition tulad nito. Pinalad naman tayo na makapag-uwi ng medal,” ani Mandal.
Ito ang ikaapat na me-dalya ng national wushu team sa Asian Games.
Nauna nang humirit ng tanso sa kani-kanyang events sina Gideon Padua (men’s 60-kg.), Clemente Tabugara (men’s 65-kg.) at Jones Llabres Inso (men’s tajiquan+taijijian all-round).