MANILA, Philippines — Sa kabila ng pagkawala ng ilang key players, solido pa rin ang Gilas Pilipinas na sasabak sa 2023 Asian Games na idaraos sa Hangzhou, China simula sa Setyembre 23.
Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, pito sa naturang miyembro ng Gilas Pilipinas ay lumaro sa FIBA World Cup.
Naisumite na ng POC ang pangalan ng mga lalaro sa Asian Games dahil noon pang Hulyo 25 ang huling araw ng pagpapasa ng Entry By Names.
Kung may pagbabagong gagawin, hihilingin ito ng POC sa Hangzhou Asian Games Organizing Committee upang mapalitan ang pangalan ng mga hindi makalalaro sa Asian Games.
“The deadline for the Entry by Names (EBN) was last July 25 and whatever list a national Olympic committee submitted is deemed official,” ani Tolentino.
Nangunguna sa listahan sina naturalized players Justin Brownlee at Angelo Kouame.
Sa Asian Games, pinahihintulutan ang mga naturalized players dahil valid Philippine passport lamang ang kailangan para makalaro ang mga ito.
Parehong may Philippine passport sina Brownlee at Kouame.
“Only the passport,” ani Tolentino.
Kasama sa listahan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sina World Cup veterans Kiefer Ravena, Scottie Thompson, Roger Pogoy, June Mar Fajardo, JR Perez, Japeth Aguilar at Jamie Malonzo.
Pasok din sina Chris Newsome, Calvon Oftana at Brandon Rosser.
Hindi nakalista sa Team Philippines sa Asian Games sina Dwight Ramos, Renz Abando, Kai Sotto, AJ Edu at naturalized player Jordan Clarkson.
Sina Gilas head coach Chot Reyes at assistant coach Tim Cone naman ang nasa coaching staff.
Nagpulong na kahapon ang SBP at PBA kasama ng ibang stakeholders upang pagdesisyunan ang magiging lineup ng Pilipinas sa Asiad.