Finals ikakasa ng mga Pinay cagers

MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng Gilas Pilipinas Girls ang finals berth sa pagharap sa Malaysia sa knockout crossover semifinal round ng FIBA U16 Women’s Asian Championship Division B sa Amman, Jordan.

Layunin ng koponan na ma-promote sa Division A matapos kapusin noong nakalipas na taon mula sa kabiguan sa Samoa sa semifinals.

Winalis ng mga Pinay dribblers ang Group A sa kanilang 3-0 record habang may 2-1 kartada ang mga Malaysians sa Group B.

Umiskor ang Malaysia ng 72-51 panalo sa Singapore para makatapat ang Gilas Girls sa semis.

Dinomina ng koponan ni coach Pat Aquino ang Hong Kong, 79-40, Maldives, 144-22, at Jordan, 106-58, para maging top team sa Group A papasok sa semis ng torneo.

Sina Ava Fajardo,Kimi Sayson, Nevaeh Smith, Ryan Kelly Nair, Scarlett Mercado at Demicah Arnaldo ang muling babandera sa tropa.

Samantala, maglalaban din sa semis ang Iran, ang No. 1 team sa Group B, at ang Hong Kong na nagmasaker sa Maldives, 109-19, sa kanilang hu­ling laro.

Pinatumba ng Iran ang Guam, 65-42, para tapusin ang group phase bitbit ang 3-0 marka.

Show comments