NU hinubaran ng korona ng La Salle

MANILA, Philippines — Naitarak ng De La Salle University ang 19-25, 23-25, 25-15, 25-17, 15-10 come-from-behind win upang hubaran ng korona ang National University kahapon sa Game 2 ng UAAP Season 85 women’s volleyball tournament best-of-three championship series sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Winalis ng Lady Spikers ang serye tangan ang 2-0 rekord.

Ito ang ika-12 kampeo­nato ng La Salle sa liga.

Balanse ang naging ratsada ng Lady Spikers kung saan apat na players ang nagtala ng double di­gits sa pangunguna ni super rookie Angel Canino.

Hataw ang 5-foot-11 wing spiker ng 19 puntos kabilang ang anim na aces habang nagdagdag naman si middle blocker Thea Gagate ng 17 markers tampok ang limang blocks.

Nag-ambag naman si Shevana Laput ng 12 puntos samantalang may 11 hits si Fifi Sharma para sa Lady Spikers.

Nasayang ang career-high 34 points ni opposite spiker Alyssa Solomon para sa Lady Bulldogs.

Nalimitahan naman sa 11 markers si Season 84 MVP Bella Belen samantalang may pinagsamang 15 points sina Erin Pangilinan at Vangie Alinsug.

Napasakamay ni Canino ang Rookie of the Year at Season MVP awards kasama pa ang Second Best outside Hitter trophy.

Nakuha naman ni Jolina Dela Cruz ang First Best Outside Hitter award habang nasikwat ni Gagate ang kanyang ikalawang sunod na First Best Middle Blocker plum.

Sumali rin sa selebras­yon si Mars Alba na siyang itinanghal na Best Setter.

Ang iba pang awar­dees ay sina Niña Ytang ng University of the Philippines (Second Best Middle Blocker), Jovelyn Fernandez ng Far Eastern University (Best Opposite Spiker) at Bernadett Pepito ng University of Santo Tomas (Best Libero).

Itinanghal na Finals MVP si Mars Alba.

Show comments