MANILA, Philippines — Ipapa-auction ni Southeast Asian Games record breaker Ernest John Obiena ang kanyang winning shoes para sa mga kabataang atleta sa Tuguegarao.
Matagumpay na nadepensahan ni Obiena ang korona nito sa men’s pole vault kamakalawa sa Morodok Techo Stadium sa Phnom Penh, Cambodia.
Kaya naman bilang bahagi ng kanyang adbokasiya ang tumulong sa mga batang atleta na nais sundan ang kanyang yapak.
“I’ve seen a kid jump with a fiberglass pole while he was landing on sawdust in Tuguegarao so hopefully we raise enough funds for this,” ani Obiena.
Napukaw ang atensiyon ni Obiena nang may magpadala sa kanya ng video kung saan gumagawa ng paraan ang ilang kabataan para makapag-ensayo sa pole vault.
Isa sa mga naging solusyon ng mga bata ang pagtatambak ng kusot na siyang magsisilbing landing pit sa pole vault.
Umaasa si Obiena na makakalikom ito ng sapat na pondo para mabigyan ng landing pit ang mga bata sa Tuguegarao.
Ang sapatos ang nakikitang paraan ni Obiena para makalikom ng pondo.
Ginamit ni Obiena ang sapatos para maitarak ang bagong SEA Games men’s pole vault record na 5.65 metro - mas maganda sa kanyang dating rekord na 5.46 na naitala sa Hanoi Games noong nakaraang taon.