MANILA, Philippines — Inaprubahan ng World Aquatics ang gagawing eleksyon para sa mga bagong miyembro ng board of trustees ng Philippine Swimming Inc. (PSI) sa Hunyo 15.
Binigyan ng World Aquatics ng go signal ang election proceedings na binalangkas ng Electoral Committee na nilikha mismo ng international federation (IF) para sa gagamiting guidelines.
Ang Electoral Committee ay binubuo nina POC secretary-general Atty. Edwin Gastanes bilang chairman at POC legal chief Atty. Wharton Chan, Atty. Avelino Sumagui at Atty. Marcus Antonius Andaya bilang mga members.
Ang kanilang pagkakaluklok sa komite ay aprubado ng World Aquatics sa pamamagitan ni Executive Director Brent Nowicki.
“The guidelines and policies have been established in such a way that they adhere to IF policies and certified instructions and are comprehensively inclusive of all stakeholders—regional representation and the sport’s disciplines,” sabi ni Chan.
Iboboto ang bagong 11 miyembro ng board of trustees base sa geographical sector kasama ang isang miyembro sa hanay ng mga kinatawan ng diving, open water swimming, water polo at artistic swimming.
Ang lahat ng bago at dati nang mga swimming clubs ay dapat magparehistro sa Electoral Committee email philaquatics.elecom2023@gmail.com.
Sa kautusan ng World Aquatics ay sinuspinde ng Electoral Committee ang requirement ng active membership dahil sa pandemya.
Kaya ang paglahok sa nakaraang National Qualifying event para sa Cambodia Southeast Asian Games noong Pebrero sa New Clark City (NCC) ay isa sa mga basehan para sa club membership.