LOS ANGELES — Kumana si Kawhi Leonard ng 27 points habang may 23 markers si Norman Powell para banderahan ang Clippers sa 136-125 panalo sa sibak nang Portland Trail Blazers.
Nag-ambag si Russell Westbrook ng 20 points para sa pag-upo ng Los Angeles (43-38) sa fifth spot sa Western Conference at makaiwas na maglaro sa play-in tournament.
Maiiwasan nilang maglaro sa play-in sa ikalawang sunod na season kung mananalo sa final regular-season game.
Umiskor si Kevin Knox II ng 30 points para sa Portland (33-48).
Isang 14-2 atake ang ginawa ng Clippers para maagaw ang bentahe matapos kunin ng Blazers ang 70-64 halftime lead.
Huling nakadikit ang Portland sa 85-86 mula sa triple ni Knox habang isang 23-7 bomba ang inihulog ng Los Angeles para selyuhan ang kanilang panalo.
Sa Austin, Texas, nagpasabog si Anthony Edwards ng 33 points para pamunuan ang Minnesota Timberwolves (41-40) sa 151-131 pagkagat sa talsik nang San Antonio Spurs (21-60).
Maaari silang magtapos sa ninth place sa Western Conference ngunit posible pang umakyat sa No. 8 kung tatalunin ang New Orleans Pelicans (42-39).
Sa Salt Lake City, naglista si Ochai Agbaji ng career-high na 28 points sa 118-114 paggupo ng talsik nang Utah Jazz (37-44) sa Western Conference leading na Denver Nuggets (52-29).