MANILA, Philippines — Tumiklop ang Gilas Pilipinas 3x3 sa dulo at nalasap ang 11-14- kabiguan sa Iran sa pag-dribol ng 2023 FIBA 3x3 Asia Cup kahapon sa Singapore.
Nilustay ng No. 4 Nationals ang kalamangan sa end game na sinamantala ng No. 12 Iran para sa comeback win sa Pool D action ng 12-team Asian continental tilt.
Kontrolado ng Gilas ang laban at nakapagtayo ng 11-7 bentahe sa huling 1:28 ng laro subalit nangitlog na buhat doon tungo sa 0-1 kartada sa Pool D.
Malaking dagok ito sa kampanya ng Gilas dahil tanging ang Top Two teams lang ang aabante sa knockout quarterfinals kaya kinakailangang manalo sa huling laban sa Qatar.
Bumida sa Gilas si Brandon Bates sa naiposte ng 5 points at 4 rebounds, habang may 4 at 2 markers sina Almond Vosotros at Jorey Napoles, ayon sa pagkakasunod.
Umabot ang Gilas sa semifinals para sa best finish sa Asian 3x3 history noong nakaraang edisyon sa likod ng game-winner ni Vosotros sa quarterfinals kontra sa No. 1 Mongolia.
Samantala, lalabanan naman ngayong hapon ng No. 9 Gilas women’s 3x3 team ang No. 1 China at No. 7 Iran sa Pool A.