Coo pumadyak ng silver sa Indonesia
Nakakuha rin ng UCI BMX ranking points sa paris 2024
MANILA, Philippines — Pumadyak si Patrick Bren Coo ng silver medal sa Indonesia BMX 2023 Round 1 sa Pulomas International BMX Center sa Jakarta para simulan ang misyong makapagbulsa ng tiket sa 2024 Paris Olympic Games.
May 20 segundo ang agwat ni Coo kay gold medalist Gusti Bagus Saputra ng Indonesia na nagposte ng bilis na 33.919 segundo habang nakuntento sa bronze ang kababayan nitong si Rio Akbar na may 34.346 segundo.
“It was very, very close to the gold, but it’s racing,” wika ng Fil-American na si Coo na naging Asian Juniors champion noong 2021. “But it’s racing, you know what it is.”
Nilabanan ni Coo sa finals ang limang BMX riders ng Indonesia, dalawa sa South Korea at isa sa Thailand.
Nakakolekta si Coo, magdiriwang ng kanyang ika-21 kaarawan sa Marso 17, ng 86 International Cycling Union points.
Susunod na sasalang si Coo sa Thailand BMX Cup 2—isa ring C1 UCI race na may nakalatag na ranking points—sa Marso 19.
Target din ni Daniel Caluag ang makalahok sa Paris Olympics.
Gagawin ito ng Rio de Janeiro Olympian sa pagsali sa Hangzhou 19th Asian Games sa Setyembre kung saan may nakatayang Olympic spot.
Inangkin ng 36-anyos na si Caluag ang nag-iisang gold medal ng bansa sa Incheon 2014 Asian Games bukod sa bronze noong 2018 sa Jakarta edition at gold noong 2013 Southeast Asian Games sa Naypyidaw.
- Latest