SALT LAKE CITY — Tama ang naging desisyon ni team captain Giannis Antetokounmpo na kunin si Jayson Tatum sa kanyang koponan.
Nagpasabog si Tatum ng Boston Celtics ng isang All-Star record na 55 points para akayin ang Team Giannis sa 184-175 pagsapaw sa Team LeBron James sa 72nd NBA All-Star Game kahapon.
Ang 27 markers ni Tatum sa third quarter ay isa ring All-Star Game record para sa anumang yugto at siya ang first pick ni Antetokounmpo sa starters’ portion ng All-Star draft.
Hinirang si Tatum bilang All-Star Game Most Valuable Player dahil sa pagsira niya sa NBA All-Star Game record na 52 points na iniskor ni Anthony Davis noong 2017.
Nag ambag si Donovan Mitchell ng 40 markers para sa Team Giannis at may 26 points si Damian Lillard — kasama ang game winner para makalampas sa target score.
Binanderahan ni Jaylen Brown ang Team LeBron sa kanyang 35 points at 14 rebounds habang nag lista si Kyrie Irving ng 32 points at 15 assists at umiskor si Joel Embiid ng 32 points.
Ito ang unang kabiguan ni James sa anim na laro bilang team captain.
Parehong hindi natapos nina James at ni Antetokounmpo ang laro dahil sa natamong injuries.
Nagkaroon si James ng bruised right hand sa kanyang chasedown block habang nauna nang nakalasap si Antetokounmpo ng right wrist sprain tatlong gabi na ang nakakalipas.