MANILA, Philippines — Nalampasan ng TNT Tropang Giga ang pagbangon ng Magnolia mula sa 16-point deficit sa fourth period para tuhugin ang 93-85 panalo sa 2023 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Sinandigan ng Tropang Giga si Roger Pogoy sa final canto para iposte ang 3-1 record at inihulog ang Hotshots sa 0-2 kartada.
Tumapos si Pogoy na may 20 points, 5 rebounds, 3 assists at 3 steals, habang may tig-14 markers sina import Jalen Hudson, Mikey Williams at Calvin Oftana para sa TNT na itinayo ang 82-66 abante sa pagbungad ng fourth quarter.
Sa pamumuno nina Paul Lee at import Erik McCree ay nakalapit ang Magnolia sa 81-83 sa 4:53 minuto ng laro.
Isang 10-2 atake ang pinamunuan ni Pogoy para muling itaas ang Tropang Giga sa 93-83 sa huling 1:51 minuto ng sagupaan.
Tumapos si Lee na may 24 points tampok ang anim na triples para sa Hotshots at may tig-12 markers sina McCree at Calvin Abueva.
Sa unang laro, humakot si import Cameron Clark ng 31 points at 14 rebounds sa 122-102 paggiba ng San Miguel (3-0) sa Terrafirma (1-2).
Sumosyo ang Beermen sa NLEX Road Warriors sa ikalawang puwesto sa ilalim ng lider na Converge FiberXers.
May 30 points si import Jordan Williams para sa Dyip.