Abarrientos pinagmulta ng PBA

MANILA, Philippines — Napatawan ng P10,000 multa si Magnolia assistant coach Johnny Abarrientos dahil sa ‘obscene gesture’ sa laban nila kontra sa Converge kamakalawa ng gabi sa 2023 PBA Governors’ Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Nahapyawan sa TV ang kinilos ni Abarrientos tampok ang ‘middle finger’ kay FiberXers import Jamaal Franklin matapos ang dagger triple nito sa harap ng Hotshots bench.

Abante lang ng tatlong puntos, pumukol si Franklin ng stepback trey kasabay ng shotclock buzzer sa 1:04 minuto ng fourth quarter at pagkatapos ay nangantsaw sa Hotshots.

Dito sumagot si Abarrientos sa pagsenyas ng ‘dirty finger’ bagama’t hu­mingi na siya ng paumanhin sa hindi katanggap-tanggap na asal bilang assistant coach ng professional league.

Dating PBA MVP si “Flying A” na isa rin sa 40 Greatest Players ng bansa matapos manalo ng 12 PBA championships at maging haligi rin ng Philippine national team.

Champion player din siya ng Far Eastern U sa UAAP bago mag-transition sa coaching tungo sa 6 na PBA championships at 1 UAAP title bilang assistant coach.

Show comments