LOS ANGELES — Kinumpleto ni guard Dennis Schroeder ang isang three-point play sa huling 7.6 segundo para tulungan ang Lakers sa 122-121 paglusot sa Memphis Grizzlies.
Tumapos si Schroeder na may 19 points para sa Los Angeles (21-25) na winakasan ang 11-game winning streak ng Memphis (31-14).
Pinangunahan ni Russell Westbrook ang Lakers sa kanyang 29 points at may 23 markers si LeBron James.
Umiskor naman si Ja Morant ng 22 points sa panig ng Grizzlies habang may tig-20 sina Brandon Clarke at Tyus Jones at humakot si Steven Adams ng 16 points at 17 rebounds.
Inagawan ni Schroeder ng bola si Desmond Bane malapit sa halfcourt para sa kanyang layup kasama ang foul ni Bane at kinumpleto ang 3-point play sa nalalabing 7.6 segundo.
Nakahugot ng foul si Clarke sa huling 1.9 segundo, ngunit isang free throw lang ang naipasok para sa final score.
Sa Cleveland, tumipa si Jordan Poole ng 32 points at kumonekta ang nagdedepensang Golden State Warriors (23-23) ng 23 triples sa 120-114 pagdaig sa Cavaliers (28-19).
Sa Dallas, kumolekta si Luka Doncic ng 34 points at 12 rebounds sa 115-90 dominasyon ng Mavericks (25-22) sa Miami Heat (25-22).
Sa San Antonio, umiskor si Kawhi Leonard ng season-high na 36 points sa 131-126 pagdaig ng Los Angeles Clippers (24-24) sa Spurs (14-32).
Sa Denver, inilista ni Jamal Murray ang una niyang career triple-double na 17 points, 14 assists at 10 rebounds sa 134-111 demolisyon ng Nuggets (33-13) sa Indiana Pacers (23-24).