MANILA, Philippines — Dadalhin ni outside hitter Myla Pablo ang kanyang talento sa F2 Logistics sa pagsisimula ng 2023 season ng Premier Volleyball League (PVL) sa Pebrero.
Pormal nang inihayag ni Pablo ang paglipat niya sa Cargo Movers matapos lisanin ang reigning Reinforced Conference champion na Petro Gazz.
Masaya si Pablo sa kanyang bagong tahanan at umaasa siyang marami pang matututuhan sa Cargo Movers na isa ring champion team.
“This coming year, papasok ako sa taon na may bagong team and family. My decision to transfer sa F2 was mainly driven dahil gusto ko mag-grow pa sa career,” ani Pablo na itinanghal na Best Outside Hitter sa PVL Reinforced Conference.
Nagpasalamat si Pablo sa pamunuan ng Gazz Angels na naging team niya sa nakalipas na dalawang taon.
Nais ni Pablo na madala sa Cargo Movers ang lahat ng natutunan niya mula sa paglalaro para sa Gazz Angels.
“Super thankful ko sa Petro Gazz for two years na marami akong natutunan and definitely babaunin ko yan sa buong career ko moving forward,” dagdag ni Pablo.
Sanay na si Pablo sa championship experience dahil makailang ulit na siyang nagkampeon sa liga.
Tinulungan niya ang Pocari Sweat na masikwat ang tatlong korona, habang bahagi siya ng Gazz Angels na nagreyna noong Disyembre sa Reinforced Conference.
Malaking tulong si Pablo lalo pa’t sumailalim sa rebuilding ang Cargo Movers.
Wala na sa F2 Logistics sina Tin Tiamzon, Dzi Gervacio, Lourdes Clemente, Alex Cabanos, Rem Cailing at Chloe Cortez.