MANILA, Philippines — Tiklo ang tatlong katao sa Gateway Mall Cubao, Quezon City matapos mabistong iligal na nagbebenta diumano ng "overpriced" tickets para sa PBA finals Game 6 — ang isa sa suspek, menor de edad.
Ito ang inanunsyo ni Quezon City Police District (QCPD) director PBGEN Nicolas D Torre III, Miyerkules, patungkol sa ikinasang operasyon kahapon ng District Special Operations Unit, Quezon City Hall Detachment at Quezon City-Anti-Cyber Crime Team.
Humingi raw kasi aniya ng tulong ang management ng Philippine Basketball Association (PBA) sa QCPD tungkol sa talamak na iligal na bentahan online, dahilan para iutos ni Torre na agad magsagawa ng operasyon.
"An undercover operative posed as buyer and purchased 13 tickets for P13,000.00 and agreed to meet at Gateway, Araneta Center, Cubao, Quezon City," ayon sa QCPD Public Information Office kanina.
"At about 4:35 PM, January 10, 2023, an entrapment operation was immediately conducted that resulted in the arrest of suspects identified as Kenneth Peji, 21 y/o; John Limuel Dela Cruz, 20 y/o; and a 17-year-old male, all residents of Cubao, Quezon City."
Kasama sa mga nakumpiska aniya sa mga suspek ang 50 tickets na nagkakahalaga ng P11,500.
Kaugnay nito, pinatawan sila ng ordinance violation reciepts na may multang nagkakahalaga ng P5,000. Paglabag kasi ito sa City Ordinance No. SP-2744, Series 2018 (s amended by Ordinance No. SP-493, S-97) o Anti-Scalping Ordinance na siyang nagpaparusa sa pagbebenta o pagbili ng admission tickets sa labas ng authorized official booth o outlet.
"I call on the public to refrain from patronizing scalpers, instead, report them so that they will be arrested and charged accordingly," wika ni Torre sa isang pahayag.
Sa ulat ng ABS-CBN News, ilan sa mga scalpers ang nagbebenta ng P230 upper box seat sa halagang P500-P1,000. Para sa Patron C seat na P650, ibinebenta naman daw ito ng ilan sa P2,800.
Madalas mangyari ang scalping sa mga events gaya ng mga concerts, ngunit marami sa kanila ay hindi naman naaaresto sa Pilipinas.