Rondina-Gonzaga, Eslapor-Rodriguez tiyak na sa bronze

Nakatiyak na ng bronze ang tambalang Genesa Jane Eslapor at Floremel Rodriguez.

MANILA, Philippines — Tumiyak ng bronze medal ang tambalan nina Sisi Rondina at Jovelyn Gonzaga at ang tandem nina Genesa Jane Eslapor at Floremel Rodriguez matapos manaig sa kanilang mga Japanese rivals sa Volleyball World Beach Pro Tour Futures kahapon dito sa Subic Bay Sand Court.

Tinalo nina Rondina at Gonzaga sina Ericka Habaguchi at Saki Maruyama, 18-21, 21-12, 15-7, sa quarterfinal match papasok sa semifinals.

Dinaig naman nina Eslapor at Rodriguez sina Ren Matsumoto at Non Matsumoto, 21-16, 21-18, para umusad sa semis sa torneong inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).

Magkakaroon ng all-Filipino final para sa isang 1-2 podium finish kung mananalo sina Rondina at Gonzaga kina Yahli Ashush at Anita Dave ng Israel at talunin nina Eslapor at Rodriguez sina Miyu Sakamoto at Mayu Sawame ng Japan sa semis ngayong araw.

Paglalabanan naman ng dalawang local teams ang tanso kung mamalasin sila.

Ang pagkopo sa bronze medal ang best finish ng bansa sa isang international beach volleyball tournament.

“I salute the girls for playing tough and they didn’t disappoint the crowd,” sabi ni PNVF president Ramon “Tats” Suzara. “This is a great achievement so far, we are very, very happy.”

Humanga naman si Brazilian Joao Luciano Kioday, sinamahan ang national team 10 araw bago ang torneo, sa husay ng mga Pinay players.

“They figured out ways to win and they didn’t stop despite a bad start,” wika ni Kioday.

Show comments