'Kaibigan mo ang VP': Sara Duterte sumulat kay ex-JRU player John Amores

Litrato nina ex-JRU basketball player John Amores (kaliwa) at Bise Presidente Sara Duterte-Carpio (kanan)
The STAR/Russell Palma; Released/PCOO, File

MANILA, Philippines — Nagpadala ng "words of encouragement" si Bise Presidente Sara Duterte sa dating basketbolista ng Jose Rizal University na si John Amores, ito matapos niyang banatan ang ilang players ng College of Saint Benilde sa gitna ng NCAA game.

Matatandaang sinipa ng JRU si Amores mula sa kanilang basketball team at sinuspindi sa mga klase matapos niyang mambugbog sa televised game, dahilan para humarap siya sa reklamong "multiple physical injuries." 

"It’s my pleasure receiving this kind of gesture from our Dearly VP Sarah Duterte," sabi niya sa paskil sa Facebook nitong Lunes.

"'Remember the lesson not the mistake,You have a friend from the Office of the Vice President' It was a great honor Mam thank you for those words of encouragement."

 

 

Umani nang matinding batikos online at offline si Amores matapos ang kanyang pag-aamok, lalo na't lumanding sa ospital ang ilan sa mga manlalarong kanyang nasuntok.

Matatandaang itinigil ang nasabing laro kahit may 3:22 pang natitira sa laro dahil sa kanyang punching spree kung saan napuruhan ang Benilde players na sina Jimboy Pasturan at Taine Davis.

Hulyo lang nang atakihin din ni Amores ang UP Men's Basketball team player na si Mark Belmonte, na siyang nag-suffer noon ng "gum fracture, teeth dislocation at mouth lacerations."

"Ipapa frame ko to as a remembrance na sa dami ng bashers at negative critics may isang tao na ipapaalala sayo na Mahalaga ka kahit di mo kaano ano," dagdag pa ni Amores sa kanyang post.

"I wont lose hope, somewhere in between in the darkest season of my life there’s still a light."

Una nang sinabi ng JRU na bibigyan nila ng counseling si Amores upang matulungan siyang harapin ang "strain" na nangyari sa kanyang buhay matapos ang naturang insidente.

Si Inday Sara, na anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay matatandaang ni-reprimand noon ng Office of the Ombudsman matapos niyang pagsusuntikin din ang isang court sheriff na noo'y sinusubukang magpatupad ng court order para i-demolish ang ilang urban poor areas ilang taon na ang nakalilipas.

Show comments