36ers wagi sa Elite sa NBL x NBA tour

Devin Booker.

MANILA, Philippines — Kinaldag ng Adelaide 36ers ang Overtime Elite, 86-81, sa friendly game sa panimula ng kanilang NBL x NBA tour sa United States bilang paghahanda sa 2022-2023 regular season ng Australia National Basketball League (NBL).

Bumida sa 36ers si Nick Marshall na may 23 points at 10 rebounds habang may 4 markers at 2 rebounds si Pinoy tower sensation Kai Sotto.

Patikim pa lang ng Adelaide bago sagupain ang Phoenix Suns sa pangunguna nina Chris Paul at Devin Booker pati na ang Oklahoma City Thunder na babanderahan ni Josh Giddey.

Dating player ng Adelaide si Giddey bago mapili ng OKC bilang 6th overall pick noong 2021 NBA Rookie Draft.

Makikilatis ni Giddey ang kanyang dating koponan na Adelaide sa Oktubre 7 (Manila time) sa Paycom Center sa Oklahoma pagkatapos ng duwelo ng 36ers kontra sa Suns sa Footprint Centre sa Phoenix sa Lunes.

Dahil sa US tour ay wala munang laro sa dalawang weekly rounds ng NBL ang Adelaide na sa Oktubre 13 pa sasalang kontra sa Tasmania JackJumpers sa Adelaide Entertainment Centre.

Bago lumipad sa US ay pinagharian ng Adelaide ang NBL Blitz preseason games matapos ang 3-0 sweep kontra sa South East Melbourne Phoenix, Tasmania at Illawarra Hawks.

Show comments