MANILA, Philippines — Gagawin ni Jamie Malonzo ang kanyang debut para sa Barangay Ginebra matapos madiskaril noong Linggo dahil sa bagyong ‘Karding’.
Ipaparada ng Gin Kings ang Fil-Am forward sa pagharap sa Rain or Shine Elasto Painters ngayong alas-5:45 ng hapon sa 2022 PBA Commissioner’s Cup sa MOA Arena sa Pasay City.
Nahugot ng Ginebra ang 6-foot-7 na si Malonzo mula sa NorthPort matapos ibigay sina Arvin Tolentino at Prince Caperal kasama ang isang future draft pick.
“We had to give up a lot to get him,” sabi ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone sa dating La Salle Green Archer. “A marquee young player, a shooting big, plus our first-round pick. It was an expensive get.”
Maglalaro rin para sa Gin Kings, muling ipaparada si resident import Justin Brownlee, si shooter Von Pessumal na nabunot nila sa San Miguel Beermen mula sa isang three-team trade kasama ang Batang Pier.
Sa unang laro sa alas-3 ng hapon ay lalabanan ng Magnolia ang Terrafirma na nasa isang 17-game losing slump simula noong 2021 PBA Governors’ Cup.
Si 6’10 Serbian-Ame-rican import Nikola Rakocevic ang aasahan ng Hotshots laban kay balik-import Lester Prosper ng Dyip, nakalasap ng 110-124 pagkatalo sa Converge FiberXers.
Hindi maglalaro si Hotshots’ forward Calvin Abueva dahil sa injury.