MANILA, Philippines — Ipinagpatuloy ng Rain or Shine ang pagdikit sa isang playoff seat sa quarterfinals nang gibain ang talsik nang Terrafirma, 97-82, sa 2022 PBA Philippine Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Dumiretso ang Elasto Painters sa kanilang ikatlong dikit na panalo para sa 3-6 baraha at ipinalasap sa Dyip ang pang-15 sunod na kabiguan simula noong nakalipas na Governors’ Cup.
“We’ve seen how Terrafirma can get going once they gain their confidence. Our guys learned from that,” ani coach Chris Gavina na hindi nakuha ang serbisyo nina Gabe Norwood, Beau Belga at Mike Nieto dahil sa health and safety protocols.
Tumipa sina guard Andrei Caracut at Anton Asistio ng tig-14 points at may 13 at 10 markers sina Leonard Santillan at Shaun Ildefonso, ayon sa pagkakasunod.
Kumolekta si Rey Nambatac ng 7 points, 10 rebounds at 9 assists.
Mula sa 15-point lead sa first quarter ay pinalobo ng Rain or Shine ang kanilang kalamangan sa 30 puntos, 54-24, mula sa basket ni center Jewel Ponferada sa huling 2:28 minuto bago ang halftime.
Naputol ito ng Terrafirma sa 73-84 agwat galing sa dalawang free throws ni Eric Camson sa 6:27 minuto ng fourth period.
Humataw naman si big man Norbert Torres ng solong 9-2 bomba na muling naglayo sa Elasto Painters sa 95-76 sa huling 1:21 minuto ng labanan.
Umiskor si Aldrech Ramos ng 21 points at may 12, 11 at 10 markers sina Joseph Gabayni, Canson at JP Calvo, ayon sa pagkakasunod, sa panig ng Dyip.
Samantala, muling gagabayan ng nagbabalik na si coach Tim Cone ang Barangay Ginebra (6-3) laban sa NorthPort (3-6) ngayong alas-6:30 ng gabi.
Nawala si Cone sa huling apat na laro ng Gin Kings dahil sa pagiging miyembro ng coaching staff ng Miami Heat sa NBA Summer League.