MANILA, Philippines — Wala sa bokabularyo ng De La Salle University ang sumuko kaya’t inaasahang reresbak ito laban sa National University sa Game 2 ng UAAP Season 84 women’s volleyball tournament best-of-three championship series bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagulantang ang Lady Spikers nang lasapin nito ang 20-25, 12-25, 21-25 desisyon sa kamay ng Lady Bulldogs sa Game 1 ng serye noong Sabado.
Sa naturang laro, walang player ng La Salle ang nagtala ng double figures.
Top scorer si Leila Cruz na nakagawa lamang ng anim na puntos habang nalimitahan sa tig-lima sina Jolina Dela Cruz, Alleiah Malaluan at Fifi Sharma.
Hindi rin nakaporma si middle blocker Thea Gagate na nagtala lamang ng tatlong puntos para sa La Salle.
Kaya naman ilalabas na ng Lady Spikers ang buong puwersa nito para makahirit ng do-or-die laban sa mabangis na Lady Bulldogs.
Hirap maka-atake ang La Salle dahil sa solidong net defense ng NU.
Tanging 23 attacks lamang ang na-convert ng La Salle sa 81 attempts nito.
Sa Game 1, 11 blocks ang nagawa ng Lady Bulldogs laban sa Lady Spikers.
Nangunguna ang La Salle sa blocking department sa buong season na ito.
Subalit tatlong blocks lamang ang nagawa ng Lady Spikers sa Game 1 — malayo sa produksiyon ng Lady Bulldogs.
Inaasahang gumagawa na ng plano si La Salle head coach Ramil de Jesus kung paano makakabawi ang kanyang bataan sa kabiguan na tinamo nito sa series opener.