Juico nag-resign!

MANILA, Philippines — Sa kanyang edad na 74-anyos ay mas gusto ni Philip Ella Juico na makasama ang kanyang pamilya at asikasuhin ang negosyo niya.

Kahapon ay nag-resign si Juico bilang pangulo ng Phi­lippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) sa kanilang board meeting sa Makati Diamond Residences.

“I am not leaving PATAFA or the sports community, as it is here where my heart lies but for now, I look forward to more family time and an opportunity to concentrate on personal and business interests and ventures and community advocacies,” wika ni Juico.

Hinawakan ng dating chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) ang PATAFA simula noong 2014 kapalit ni Go Teng Kok.

Sa liderato ni Juico ay humakot ang PATAFA ng kabuuang 26 gold, 25 silver at 41 bronze medals sa apat na Southeast Asian Games tampok ang 11-8-8 haul noong 2019 Manila edition. Mananatili pa rin si Juico sa PATAFA board bilang chairman emeritus.

Sasaluhin ni Terry Capistrano ang naiwang termino ni Juico bilang pangulo ng athletics association hanggang sa Nobyembre sa pagtatapos ng 2024 Paris Olympics.

Show comments