MANILA, Philippines — Tatlo pang mahuhusay na coaches ang kasama sa listahang pinagpipilian para hawakan ang basketball program ng San Beda University sa NCAA men’s basketball tournament.
Maliban kay veteran mentor Aldin Ayo, nasa radar ng Red Lions management sina coaches Louie Alas, Frankie Lim at Jojo Lastimosa.
Hindi na bago si Lim sa San Beda.
Naging head coach na ito ng Mendiola-based squad noong 2007 hanggang 2011.
Subalit kumalas si Lim sa kampo ng Red Lions noong 2012 matapos ang insidente nito kay San Sebastian Lady Stags head coach Roger Gorayeb.
Sa kabilang banda, kabisado na rin ni Alas ang pasikut-sikot sa NCAA.
Mahigit isang dekada rin nitong hinawakan ang Colegio de San Juan de Letran mula 1998 hanggang 2012.
Tatlong beses nitong nabigyan ng kampeonato ang Knights — noong 1998, 2003 at 2005.
Naging head coach din si Alas ng men’s national team na nagkampeon noong 1999 Southeast Asian Games sa Brunei Darussalam.
Pasok din si Lastimosa na assistant coach ng NLEX sa pinagpipilian.
Matapos ang deliberasyon, inaasahang maglalabas na ng pangalan ang San Beda upang agad na masimulan ang programa ng koponan para sa pagbubukas ng bagong NCAA season.
Nauna nang napaulat na nagbitiw na sa puwesto ang buong coaching staff ng San Beda sa pangunguna ni head coach Boyet Fernandez.
Bigo ang Red Lions na makapasok sa finals sa nakalipas na NCAA Season 97.