MANILA, Philippines — Kuntento na si coach Chito Victolero sa kanilang ginawang preparasyon para sa pagbubukas ng PBA Philippine Cup sa Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Makakatapat ng Hotshots ang nagdedepensang TNT Tropang Giga para sa kanilang finals rematch.
“Ako satisfied naman sa overall preparations namin. I think nagawa naman namin ang mga gusto naming gawin,” wika ng one-time Coach of the Year awardee na si Victolero.
Sumalang ang Magnolia sa tatlong tune-up games para paghandaan ang All-Filipino conference na pinagharian ng TNT sa nakaraang PBA Season.
“Naka-tatlong tuneup kami and okay naman ang itinatakbo,” sabi ni Victolero. “Fine-tuning na lang and right now nandoon na kami, preparation for the game on Sunday.”
Minalas ang Hotshots sa semifinals ng PBA Governors’ Cup nang magkaroon ng injury si import Mike Harris na sinamantala ng Meralco Bolts para umabante sa Finals katapat ang Ginebra Gin Kings.
“Last conference, yes, we’re No. 1 in offense, but ang problem namin iyong depensa namin nakalimutan namin. Kaya pagdating ng playoffs, although medyo nag-improve kami, hindi pa rin ganoon ka-pulido,” ani Victolero.
“So we have to be consistent sa depensa,” dagdag pa nito.
Buo pa rin ang starting five ng Magnolia na binubuo nina Paul Lee, Ian Sangalang, Calvin Abueva, Mark Barroca at Rafi Reavis.