MANILA, Philippines — Matapos ang masaklap na simula noong Lunes sa giant slalom, babawi si Asa Miller sa slalom event ng 2022 Winter Olympics na ginaganap sa Yanqing, China.
Aminado si Miller na nawala ang konsentrasyon nito sa giant slalom dahil sa weather condition dahilan para hindi nito matapos ang karera.
May 15.9 segundo pa lamang ang run ni Miller nang bigla itong mag-crash sa race course na nagresulta sa kanyang DNF (did not finish) record.
Kaya naman inaasahang ibubuhos na ni Miller ang lahat sa kanyang huling kategorya na lalahukan — ang slalom event — para makapagbigay ng magandang performance sa puwesto sa final ranking.
“I just have to stick to my plan for the next race,” ani Miller.
Sumalang sa ensayo si Miller kahapon sa National Alpine Skiing Centre kung saan bantay-sarado ito ni American coach Will Gregorak.
Mapapalaban si Miller sa mga world class athletes kabilang na si Dave Ryding ng England na isang four-time Olympian.
Sasabak din sina World Cup veteran Lucas Braathen ng Norway, 2017 world champion Manuel Ferrer ng Austria, 2018 world junior champion Noel Clement ng France, at Pyeongchang 2018 Olympics team event gold medalist Daniel Yule ng Great Britain.
Kaya’t matinding motibasyon ang ibinibigay ni Gregorak upang mas lumakas pa ang loob ni Miller para sa laban.