Air Force ikinasa ang Finals vs Team Dasma

MANILA, Philippines — Napigilan ng Philippine Air Force ang matikas na hamon ng Global Remit, 26-28, 25-22, 25-18, 25-19, para angkinin ang tiket sa finals ng Champions League kahapon sa Aquamarine Sports Complex sa Lipa City, Batangas.

Mabilis na nakabangon ang Air Force sa mabagal na simula upang harangin ang Global Remit at masiguro ang finals appea­rance sa liga.

Nagsilbing lider si national team skipper John Vic De Guzman nang magre­histro ito ng 16 puntos para sa Aguilas.

Solido ang kontribusyon ni Lloyd Josafat na kumana ng 15 markers kabilang ang game-winning ace sa fourth set.

Nagdagdag naman sina Kim Malabunga at Reuben Inaudito ng tig-10 puntos habang naglista si libero Ricky Marcos ng 16 receptions at 15 digs.

Nagpasiklab si playmaker Kim Dayandante na nakagawa ng 29 excellent sets kasama pa ang apat na puntos para sa Air Force.

“Sabi ko lang naman sa kanila na tuloy lang sa mga ginagawa nila. Kung ano yung ini-scout namin sundin lang. mas taasan lang ang gagawin nila,” ani Air Force head coach Dante Alinsunurin.

Sa ikalawang laro, nalusutan ng Team Dasma Monarchs ang Manileños, 25-20, 30-28, 20-25, 21-25, 18-16, upang masiguro ang ikalawang tiket sa finals.

Magtutuos sa finals ang Air Force at  Team Dasma.

Sa classification round, pormal nang nasikwat ng MRT Negros ang ikalimang puwesto matapos payukuin ang Sabong International Spikers, 20-25, 25-14, 20-25, 25-21, 15-5.

Show comments