MANILA, Philippines — Kumolekta si import Antonio Hester ng average na 18.4 points at league-leading 12.0 rebounds sa kanyang paglalaro sa Men’s Premier League sa Iceland.
Kumpiyansa si Terrafirma head coach Johnedel Cardel na malaki ang maitutulong ng 6-foot-6 na si Hester sa kanilang magiging kampanya sa darating na 2021 PBA Governor’s Cup.
“Hester is a complete package. You can see his skills set, very athletic, and an energy guy,” ani Cardel sa 31-anyos na tubong Miami, Florida. “I think he can help the team win, and make the quarterfinals.”
Nasa bansa na si Hester at kasalukuyang kinukumpleto ang kanyang mandatory quarantine protocols bago sumalang sa team practice ng Dyip.
Minalas ang Terrafirma na makapasok sa quaterfinal round ng nakaraang 2021 PBA Philippine Cup na idinaos sa semi-bubble sa Bacolor, Pampanga.
Si dating Dyip reinforcement Lester Prosper ay matalik na kaibigan ni Hester.
Dahil dito ay alam na ni Hester ang istilo ng bakbakan sa PBA.
Bukod kay Hester, ang iba pang imports na maglalaro sa torneo ay sina Justin Brownlee (Ginebra), Mike Harris (Magnolia), Paul Harris (Phoenix), Henry Walker (Rain or Shine), Brendan Brown (San Miguel), KJ McDaniels (NLEX), Olu Ashaolu (Alaska), McKenzie Moore (TNT Tropang Giga), Shabazz Muhammad (Meralco), Jaylen Bond (Blackwater), Cameron Forte (NorthPort).
Itinakda ng PBA ang pagbubukas ng Governors Cup sa Nobyembre 28 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ngunit maaari pa itong mabago kung hindi kaagad makakarating sa bansa ang mga reinforcements.