Warriors lider pa rin; Suns ‘di maawat
MANILA, Philippines — Habang patuloy ang pangunguna ng Golden State Warriors sa liga ay dire-diretso rin ang ratsada ng Phoenix Suns.
Sa San Francisco, nagpasabog si Stephen Curry ng 40 points para banderahan ang Warriors sa 119-93 pagpulutan sa Chicago Bulls at iposte ang NBA-leading 11-1 record.
Ito ang pang-pitong sunod na panalo ng Warriors, nakahugot kina Andrew Wiggins at Jordan Poole ng 15 at 14 markers, ayon sa pagkakasunod.
Tumipa si Zach LaVine ng 23 points para sa Bulls (8-4) kasunod ang 18 markers ni DeMar DeRozan.
Sa Memphis, umiskor sina Devin Booker at Jae Crowder ng tig-17 points at naglista si Chris Paul ng 15 points at 12 assists sa 119-94 pagdaig ng Suns (8-3) sa Grizzlies (6-6).
Dumiretso ang Suns sa kanilang pang-pitong dikit na arangkada para sumegunda sa Warriors sa Western Conference.
Sa New Orleans, kumolekta si James Harden ng 39 point at 12 assists para pamunuan ang Brooklyn Nets (9-4) sa 120-112 paggiba sa Pelicans (1-12).
Sa Denver, nagtala si Nikola Jokic ng triple-double na 22 points, 19 rebounds at 10 assists sa kanyang pagbabalik mula sa one-game suspension sa 105-96 paggiya sa Nuggets (8-4) kontra sa Atlanta Hawks (4-9).
- Latest