Lakestars, Dolphins nadiskaril

Kiefer Ravena at Ray Parks Jr..
STAR/ File

MANILA, Philippines — Kapwa bigo sina Kiefer Ravena at Bobby Ray, Parks Jr.  na maihatid sa panalo ang kanilang mga koponan sa Japan B. League kahapon.

Tumipa si Ravena ng 14 points at 8 assists sa 88-99 pagyukod ng Shiga Lakerstars (6-4) kontra sa Chiba Jets (7-2) sa Funabashi Arena para sa kanilang ikalawang sunod na kamalasan.

Nailapit ni Ravena ang Shiga sa 86-91 agwat sa huling 2:32 minuto ng fourth quarter, ngunit nakawala ang Chiba patungo sa kanilang panalo.

Nalimitahan naman si Parks sa 8 markers sa 92-101 kabiguan ng Dolphins (5-5) kontra sa Gunma Crane Thunders (4-6) sa City Athletic Park Citizen’s Gymnasium.

Tumapos naman si Matt Aquino, anak ni PBA legend Marlou Aquino, na may 2 points at 4 rebounds sa 76-51 paggiba ng Shinshu Brave Warriors (6-4) sa Akita Northern Happinets (4-6).

Samantala, minalas si Javi Gomez de Liaño sa kanyang debut sa B.League nang makalasap ang Ibaraki Robots (1-9) ng 72-90 kabiguan sa Osaka Evessa (4-6) sa Ookini Arena Maishima kahapon.

May 3 markers si De Liaño sa 13 minutong pag­lalaro para sa Robots.

Naglalaro pa sina Thirdy Ravena ng San-en NeoPhoenix (3-6), Kobe Paras ng Niigata Albirex BB (2-7) at Dwight Ramos ng Toyama Grouses (1-8) habang isinusulat ito.

Show comments