Orcollo ‘di matinag sa No. 1 spot

Dennis Orcollo
STAR/ File

World moneymaker list

MANILA, Philippines — Nananatili sa unang puwesto si dating world champion Dennis Orcollo sa listahan ng World Mo­neymaker ng online portal na Az Billiards.

Mayroon nang $159,­295 na nakolekta si Orcollo sa taong ito mula sa iba’t ibang international tournaments.

Sa kasalukuyan, may 14 titulo si Orcollo na nasungkit sa season na ito.

Pinakahuli ang kanyang pamamayagpag sa A­ramith/Simonis Pro Classic One Pocket Tournament kung saan nakapagbulsa ito ng $8,250 na ginanap sa Illinois noong Oktubre.

Sinundan ito ng kam­peonato sa Aramith/Simonis Pro Classic 10-Ball Championship na nagbi­gay sa kanya ng $5,000 top purse sa parehong venue.

Dalawa pang Pinoy ang nasa Top 10 ng listahan — sina dating World 9-Ball Pool champion Carlo BIado at Roberto Gomez.

Okupado ni Biado ang No. 5 spot nang makalikom ito ng $78,754 na premyo.

Pinakamalaking porsi­yento ng koleksiyon ni B­iado ang pangingibaw  sa 2021 US Open 9-Ball Tournament kung saan naibulsa niya ang tumataginting na $50,000 sa Atlanta, New Jersey noong Setyembre.

Nasa ikawalo naman si Gomez na may $67,850 premyo.

Pinakamalaking prem­yong nakuha ni Gomez ay mula sa 2021 Diamond Open 10-Ball Championship na pinagharian nito para sa $15,000 top prize.

Show comments