MANILA, Philippines — Bagama’t wala pang naikakasang laban, balik-ensayo na si World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion John Riel Casimero.
Tapos na ang party-party para kay Casimero at kailangan na nitong bumalik sa pukpukang pagsasanay upang mapanatili ang matikas nitong kundisyon.
“Simula na ulit tayo sa training. Tapos na yung party-party natin,” ani Casimero.
Nagpasiklab pa ito sa kanyang inilabas na video kung saan sinabi nitong mararamdaman ng husto ni World Boxing Council (WBC) bantamweight king Nonito “The Filipino Flash” Donaire ang kanyang puwersa sa oras na tumama ang kanyang suntok.
“Pag ito tumama kay Nonito Donaire Jr., pag-gising mo puyat ka pa,” ani Casimero.
Tuloy ang bangayan nina Casimero at Donaire sa social media.
Inakusahan ni Donaire si Casimero na ayaw pumirma sa kontrata dahil natatakot ito sa VADA testing.
Rumesbak si Casimero na sinabing walang kontratang dumarating sa kanyang kampo.
“Wala pa naman akong natatanggap. Ano ba ang sinasabi niya,” ani Casimero.
Handa si Casimero na makipag-usap kay Donaire upang maikasa ang laban.
“Susubukan naming tawagan si Donaire para mag-kausap kami dito. Bigyan namin siya ng link para makapasok. Kaming dalawa lang, walang ibang papasok,” ani Casimero.
Iginiit ni Casimero na wala itong aatrasang laban.
“Hindi ka puwedeng mag-angas kasi si Quadro Alas lang ang malakas,” wika pa ni Casimero.
Wala pang tugon si Donaire sa panibagong patutsada ni Casimero.