MANILA, Philippines — Dalawa hanggang tatlong linggo mawawala sa aksyon si Japeth Aguilar para sa kampanya ng nagdedepensang Barangay Ginebra sa 2021 PBA Philippine Cup sa Bacolor, Pampanga.
Nagkaroon ang 6-foot-8 na flying forward ng MCL strain sa kaliwang tuhod sa 67-88 kabiguan ng Gin Kings sa TNT Tropang Giga noong Linggo.
Sa 94-87 panalo ng Ginebra sa Phoenix noong Miyerkules ay hindi naglaro ang slam dunker bagama’t nakasuot ng uniporme at protective brace sa kanyang injured left knee.
“He has a MCL strain, or maybe a sprain. It’s like a sprained ankle but it’s with the knee,” sabi ni head coach Tim Cone sa 34-anyos na si Aguilar. “The good news is he has no tear on the MCL.”
Kailangan ni Aguilar ng dalawang linggo para makarekober sa nasabing injury.
“That could take two to three weeks of repair to get back. We’re so short in here, so two to three (weeks) is almost like the whole conference,” dagdag ng two-time PBA Grand Slam champion coach.
Dahil sa pagrerekober ni Aguilar ay aasahan ni Cone sina big men Christian Standhardinger, Prince Caperal at Raymond Aguilar sa shaded lane.
Binuhay ng Ginebra ang kanilang tsansa sa eight-team quarterfinal round sa pagtataas ng baraha nila sa 4-5.
Nakatakdang labanan ng Gin Kings ang Alaska Aces ngayong alas-6 ng gabi sa triple-header.