MANILA, Philippines — Nasa listahan si Filipino-American Kalei Mau ng women’s national team na masisilayan sa aksyon sa 2021 AVC Club Championships sa Oktubre 1 hanggang 7 sa Nakoh Ratchasima, Thailand.
Matatandaang hindi nakapagpartisipa ang 6-foot-3 outside hitter sa tryout dahil naglaro ito sa isang commercial league sa Puerto Rico bilang import.
Ngunit nagpasya ang coaching staff na isama pa rin si Mau sa lineup para sa Thailand meet.
Sa kabilang banda, wala ang pangalan ni dating national team skipper Alyssa Valdez gayundin si playmaker Jia Morado — na parehong hindi nakarating sa tryout noong Abril.
Pangungunahan ang Pinay spikers ni Premier Volleyball League (PVL) Open Conference Season at Finals MVP Jaja Santiago kasama sina Dindin Santiago-Manabat, MJ Philips, Major Baron, Aby Maraño at Mylene Paat.
Nasa lineup din sina Rhea Dimaculangan, Kim Dy, Dawn Macandili, Ria Meneses, Dell Palomata, Tin Tiamzon at Iris Tolenada gayundin sina collegiate standouts Mhicaela Belen, Kamille Cal, Imee Hernandez, Ivy Lacsina, Eya Laure, Jennifer Nierva, Faith Nisperos at Bernadette Pepito.
Nakatakdang umalis ang koponan patungong Thailand sa Sept. 27.