Schroder lumipat sa Celtics; Mills kinuha ng Nets

BOSTON - Pumayag si point guard Dennis Schroder na maglaro para sa Celtics sa isang one-year $5.9 million deal matapos tanggihan ang alok na $84 million extension ng Los Angeles Lakers.

“This is one of the best franchises in NBA history and it will be a honour to put on the green and white and do what I love!” sabi ni Schröder sa kanyang Instagram.

Naglaro si Schroder ng isang season sa Lakers matapos kumampanya para sa Oklahoma City Thunder.

Ang Boston ang magiging ikaapat na NBA team ng 27-anyos na tubong Germany matapos kunin ng Atlanta Hawks noong 2013 draft.

Kamakailan ay hinugot ng Lakers si All-Star guard Russell Westbrook buhat sa Washington Wizards para makatuwang nina LeBron James at Anthony Davis.

Idinagdag ng Lakers sina veteran forward Carmelo Anthony na galing sa Portland Trail Blazers at big man Dwight Howard mula sa Philadelphia 76ers.

Sa New York, kinuha ng Brooklyn Nets si veteran Australian guard Patty Mills para makasama nina Kevin Durant, James Harden at Kyrie Irving.

Samantala, lumagda si Luka Doncic sa record na rookie supermax extension na $207 million contract para patuloy na maglaro sa Dallas Mavericks.

Show comments