Watanabe sisikwat ng medalya sa Tokyo
MANILA, Philippines — Sisimulan na ni Filipino-Japanese Kiyomi Watanabe ang kampanya nito para sa gintong medalya sa pagsabak sa judo competitions ng Tokyo Olympics ngayong araw.
Masisilayan sa aksyon si Watanabe sa women’s -63 kilogram class sa Nippon Budokan Mat 2 kung saan makakaharap nito si Cristina Cabana Perez ng Spain sa round of 32 sa alas-10 ng umaga.
Tatlong panalo lamang ang kailangan ni Watanabe para makasiguro ng tanso sa Tokyo Olympics.
“Sobrang prepared na siya. May mga injuries siya before the Tokyo Olympics pero okay naman siya and ready na lumaban para makakuha ng medalya para sa Pilipinas,” ani Irene Watanabe - ang ina ni Kiyomi.
Nagtapos si Watanabe sa ika-17 puwesto sa 2019 World Championships habang beterano na si Cabana Perez na nasa ikasiyam na posisyon sa naturang torneo.
Si Watanabe ang kauna-unahang Pinay judoka na nagkwalipika sa Olympics kaya’t anuman ang mangyari, malaking karangalan na ito para sa Filipino-Japanese athlete.
Mataas ang moral ni Watanabe na lubos ang kasiyahan na maging isa sa flagbearers ng Pilipinas sa opening ceremony.
- Latest