MANILA, Philippines — Malakas ang tsansa na makahirit ng opening round byes sina Eumir Felix Marcial at Nesthy Petecio sa Olympic Games na pormal nang lalarga sa Hulyo 23 sa Tokyo, Japan.
Ito ay dahil sa mataas na ranking nina Marcial at Petecio sa AIBA.
Nasa No. 1 si Marcial sa men’s middleweight habang No. 5 naman si Petecio sa women’s featherweight
Kaya naman malaki ang posibilidad na umabante agad sa Round-of-16 sina Marcial at Petecio sa kani-kanyang dibisyon.
Kung matutuloy ito, dalawang panalo lamang ang kailangan nina Marcial at Petecio para makapasok sa semifinals at makasiguro ng tansong medalya.
Ngunit kailangan ng dalawa na ibuhos ang lahat dahil may mga balakid sa kanilang daan.
Nasa middleweight class si No. 3 Abilkhan Amankul ng Kazakhstan habang mapapalaban naman si Petecio kina No. 1 Lin Yuting ng Chinese Taipei, No. 4 Sena Irie ng Japan, at No. 11 Im Ae-ji ng South Korea.
Hahataw din sa boxing competitions sina women’s flyweight Irish Magno at men’s flyweight Carlo Paalam.
May 26 fighters ang sasalang sa grupo ni Magno kung saan No. 1 si Chang Yuan ng China.
Sa kategorya ni Paalam, No. 1 si Indian pug Amit Pangha, No. 4 si Shekhobin Zoirov ng Uzbekistan, No. 5 si Thitisan Panmit ng Thailand at No. 6 si Hu Jianguan ng China.
Isa ang boxing sa inaasahang magbibigay ng medalya para sa Pilipinas sa Tokyo Olympics.
Maliban sa boxing, malakas din ang tsansa sa gymnastics, golf, weightlifting at athletics.