3 Pinoy pugs pasok sa semis ng ASBC tilt

Parehong nagtala ng impresibong panalo sina Mark Lester Durens at Junmilardo Ogayre habang awtomatikong umusad sa semis si dating world champion Josie Gabuco dahil sa bye.
Philstar.com/File

MANILA, Philippines — Tatlong Pinoy bets ang pasok sa semifinals ng 2021 ASBC Elite Men’s and Women’s Boxing Championships na ginaganap sa Dubai. United Arab Emirates.

Parehong nagtala ng impresibong panalo sina Mark Lester Durens at Junmilardo Ogayre habang awtomatikong umusad sa semis si dating world champion Josie Gabuco dahil sa bye.

Itinarak ni Durens ang first-round referee-stopped-contest win laban kay Mansour Khalefah ng Kuwait sa men’s light flyweight (46-49kg.) habang nakuha naman ni Ogayre ang 5-0 unanimous decision win kay Rukmal Prasanna ng Sri Lanka sa men’s bantamweight (56 kg.).

Sa semis, makakatipan ni Durens si Daniyal Sabit ng Kazakhstan na umiskor ng 5-0 panalo kay Kornelis Kwangu Langu ng Indonesia habang lalarga si Ogayre kontra kay top seed Mirazizbek Mirzahalilov ng Uzbekistan na nagrehistro ng 4-1 panalo kay Mohammad Hussam Uddin ng India.

Sa kabilang banda, hihintayin pa ni Gabuco ang makakatipan nito sa semis sa mananalo sa pagitan nina Rasmika Ilangaratha ng Sri Lanka at Gulasal Sultonalieva ng Uzbekistan sa women’s light flyweight division (45-48 kg.).

Pasok naman sa quarterfinals si Jere Samuel Dela Cruz na nanalo kay Jeewantha Wimukthi Kumara ng Sri Lanka (4-1) sa men’s lightweight (60kg.)

Nakatakdang simulan ni Tokyo Olympics qualifier Eumir Felix Marcial ang kampanya nito Miyekules ng gabi laban kay Otgonbaatar Byamba-Erdene ng Mongolia sa men’s middleweight (75 kg.).

Show comments