Aranas runner-up sa Midwest Open Banks
MANILA, Philippines — Nagkasya sa runner-up trophy si Zoren James Aranas matapos yumuko kay Billy Thorpe ng Amerika sa Banks Main Event finals ng 2021 Midwest Open Billiards Championship na ginaganap sa Michael’s Billiards sa Fairfield sa Ohio, USA.
Lumasap si Aranas ng 1-3 kabiguan kay Thorpe upag magkasya lamang sa $2,140 konsolasyon.
Napasakamay naman ni Thorpe ang $4,500 top purse.
Patuloy naman ang ariba nina dating world champion Dennis Orcollo, Roberto Gomez at Jeffrey De Luna matapos umabante sa One Pocket event ng torneo.
Pinataob ni Orcollo sina Dee Adkins sa third round (3-0) at John Morra sa fourth round (3-0) samantalang nanalo si Gomez kina John Brumback sa third round (3-0) at Leo Kincannon sa fourth round (3-0).
Wagi naman si De Luna kina Mike Burnett (3-2) at John Hennessee (3-0).
Sa fifth round, makakatipan ni Orcollo si Frank Ruby habang haharapin ni Gomez si Justin Hall at sasagupa si De Luna sa mananalo kina Hunter White at Bernard Walker.
- Latest