MANILA, Philippines — Kinansela ang World Qualifying Tournament ng boxing na nakatakda sana sa Mayo para sa Tokyo Olympics.
Pormal nang inihayag ng International Olympic Committee Boxing Task Force (BTF) ang anunsiyo kung saan idinahilan nito ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ang BTF ang humahawak sa usapin sa boksing matapos suspendihin ng International Olympic Committe (IOC) ang International Boxing Association (AIBA) noong 2019.
Idaraos sana ang qualifying tournament sa Mayo sa Paris, France.
Para kay Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) president Ricky Vargas, maaaring maging bentahe ang kanselasyon ng qualifying tournament dahil ilang miyembro ng national boxing team ay may mataas na puwesto sa world ranking.
Posibleng pangalanan na lamang ng Task Force ang mga dagdag na qualifiers sa Tokyo Olympics base sa world ranking.
“This might prove beneficial to our cause, since some of our boxers are ranked highly among those who have not yet qualified. I hope we get at least two more in Tokyo,” ani Vargas.
Nakatakdang sumalang ang tropa sa training camp sa Thailand bilang paghahanda hindi lamang sa Olympic qualifying kundi maging sa SEA Games sa Hanoi, Vietnam.