Obiena pinagharian ang Berlin meet

Obiena
STAR/ File

Muling bumasag ng Philippines record

MANILA, Philippines — Matapos pumang-lima sa naunang sinalihang torneo ay tuluyan nang inangkin ni Olympic Games-bound pole vaulter Ernest John Obiena ang kanyang unang gold medal sa taong ito.

Lumundag si Obiena ng 5.80 metro para pangu­nahan ang ISTAF Indoor Athletics Meet sa Berlin Germany at basagin ang Philippine record sa indoor pole vault.

“Now I am seeing some kind of light in the tunnel and I am happy with the 5.80m jump,” sabi ng 6-foot-2 Pinoy pride sa interview ng official tournament website. “I did really bad in Karlsruhe, so I was like, I wanted to redeem myself, please can I jump something good.”

Ang naturang 5.80m ni Obiena ang bumasag sa nauna niyang 5.62m na kanyang inilista sa nakaraang Karlsruhe World Indoor Tour Meeting sa Germany kung saan siya tumapos sa pang-lima.

Nakuha ni Obiena ang 5.80m mark sa una niyang attempt para makopo ang gintong medalya habang naitala naman ito ni German bet Torben Blech sa pangalawa niyang attempt para sa pilak na medalya.

Si German pole vaulter Oleg Zernikel ang kumuha sa bronze medal sa kanyang personal best na 5.72m.

Show comments