MANILA, Philippines — Muling magbabalik ang NCAA sa dati nitong tahanang Rizal Memorial Coliseum (RMC) sa Vito Cruz, Manila na ilang dekada ring naging saksi sa tagumpay ng mga student-athletes sa nakalipas na panahon.
Target ng NCAA na gamitin ang naturang venue sa Season 96 inaasahang masisimulan sa Abril sa susunod na taon.
Ayon kay NCAA Season 96 management committee chairman Fr. Vic Calvo ng Colegio de San Juan de Letran, maganda ang lokasyon ng RMC kaya’t isa ito sa mga prayoridad na venue ng liga.
“We’re looking to stage our games in Rizal. In fact, that’s my priority right now,” ani Calvo sa Milcu Sports Basketball Got Skills Philippines podcast.
Malaki na ang ipinagbago ng RMC dahil dumaan ito sa major renovation noong nakaraang taon para gamiting venue ng gymnastics competitions noong 2019 Southeast Asian Games.
Nananatili ang historical facade nito subalit kitang-kita ang glamorosong entrada kasama pa ang bagong airconditioning units at mga locker rooms na may international standards.
Mayorya ng member schools ng NCAA ay malapit sa RMC partikular na ang College of Saint Benilde na halos kapitbahay nito sa Vito Cruz.
Madali rin itong puntahan ng mga Intramuros-based squads gayundin ang mga nasa Mendiola at Recto.