Ika-4 na Guinness Book of World Records ni Paeng

Paeng Nepomuceno
STAR/File

MANILA, Philippines — Sa ikaapat na pagkakataon ay muling pinarangalan ng Guinness Book of World Records si Filipino bowling legend Paeng Nepomuceno.

Mula sa dating 118 ay pinalobo ni Nepocumeno sa 133 ang kanyang career tenpin bowling championships para sa record na Most Bowling titles.

Nakamit ng Pinoy bow­ling legend ang kanyang ika-133 titulo noong 2019 kung saan niya pinagharian ang PTBA Mixed Open sa Quezon City sa edad na 62-anyos.

Si Nepomuceno rin ang naging pinakamatandang Masters champion.

Hanggang ngayon ay hawak pa rin ni Nepomuceno ang Guinness World record bilang pinakabatang World Tenpin bowling champion na ginawa niya noong 1976 Bowling World Cup (BWC) sa Tehran, Iran.

May pinakamarami rin siyang bowling world titles sa tatlong magkakaibang dekada (1976, 1980, 1992, at 1996 Bowling World Cup titles, 1984 World’s Invitational at 1999 World Tenpin Masters) at may pinakamaraming worldwide titles sa loob ng limang dekada.

Iniluklok si Nepomuceno sa Philippine Sports Hall of Fame noong Nob­yembre 22, 2018.

Show comments