Sy wagi ng tanso sa World Sambo Championships

MANILA, Philippines — Humirit ng tansong medalya si Sydney Sy sa prestihiyosong 2020 World Sambo Championships for Youth, Juniors, Men and Women Combat Sambo na ginanap sa Novi Sad, Serbia.

Nasungkit ni Sy ang tansong medalya sa repecharge stage kung saan tinalo nito si Evadne Huecas ng Spain sa iskor na 4-0 sa women’s 80+ kilogram division.

Nahulog si Sy sa repecharge matapos lumasap ng 1-3 kabiguan kay Olga Artoshina ng Russia sa Round-of-8.

Matamis na pagresbak ito para kay Sy dahil si Huecas ang tumalo sa kanya sa repecharge stage noong 2019 edisyon ng World Sambo Championships.

“Ang mindset ko, hindi ako pwedeng matalo ulit sa kanya dahil madami akong pinagdaanan para lang makarating dito sa World Championships. Kaya sobrang saya ko nung nakuha ko ‘yung panalo,” wika ni Sy na second year student sa University of Santo Tomas.

Napasakamay ni Artoshina ang gintong medalya nang manaig ito kay Vasylyna-Iryna Kyrynchenko ng Ukraine (4-0) sa championship round.

Nagpasalamat si Sy sa suportang natanggap nito mula sa kanyang mga kababayan.

Hindi naging madali ang pinagdaanan ni Sy patungong Serbia dahil sumailalim ito sa ilang health protocols dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Show comments