MANILA, Philippines — Wala nang balak pang sumali sa anumang beauty pageants si volleyball star Michele Gumabao.
Nasungkit ni Gumabao ang second runner-up sa katatapos lang na 2020 Miss Universe-Philippines.
Matapos ang kumpetisyon, agad na umalis si Gumabao sa Baguio Country Club kung saan hindi ito nasilayan sa unang appearance ng mga Miss Universe-Philippines winners kabilang na si titleholder Rabiya Mateo.
Hindi ito naging maganda sa paningin ng pageant fans kung saan inakusahan pa itong “bitter” sa kanyang kabiguan.
Naglabas naman ng statement si Gumabao bilang paliwanag sa kanyang maagang pag-alis.
Ngunit matapos ang ilang araw na pananahimik, nakapagsalita na si Gumabao sa isang event ng Miss Universe-Philippine sa Sampaloc, Manila.
Sinabi nitong nakapagpaalam naman ito kay Miss Universe-Philippines creative director Jonas Gaffud.
Sa ngayon, sarado na ang isipan ni Gumabao sa pagsabak sa anumang beauty pageants.
“Unfortunately po because of my age, there will be no more beauty pageants for me,” ani Gumabao na opposite hitter ng Creamline Cool Smashers.
Nagdiwang ng kanyang ika-28 kaarawan si Gumabao noong Setyembre.
Nais ni Gumabao na pagtuunan na lamang ang kanyang personal na buhay gayundin ang kanyang pagiging volleyball player at event host.
“This is the beginning of even brighter journey coz I have a lot of different businesses to bring in to the Philippines and now, I have the time to do so,” wika pa ni Gumabao.
Dalawang beses nang sumabak sa national pageant si Gumabao.
Una na sa Binibining Pilipinas noong 2018 kasabay si Miss Universe winner Catriona Gray.
Nakuha ni Gumabao ang Binibining Pilipinas-Globe title para katawanin ang bansa sa 2018 Miss Globe kung saan nagtapos ito bilang isa sa Top 15 finalists.
Muling sumubok si Gumabao sa Miss Universe-Philippines kamakailan kung saan nagkasya ito sa second runner-up lamang.