MANILA, Philippines — Nananatili sa unang puwesto si dating world champion Dennis Orcollo sa AzBilliards Moneymaker List.
Sa kabila ng pandemya, tuloy lang si Orcollo sa paghataw sa iba’t ibang tournaments sa Amerika para makalikom na ng kabuuang $68,950 premyo sa taong ito.
Nakakuha ng tumataginting na $20,000 premyo si Orcollo nang magkampeon ito sa Bar Table 10-Ball Tournament na ginanap sa Shade Tree Lounge sa Tupelo, USA.
Galing din si Orcollo sa kampeonato sa 2020 sa Cue Time Shootout 9-Ball Open Men’s Division sa Cue Time Sports Bar and Grill sa Spartanburg.
Tinalo ng Pinoy cue master si Tony Chohan sa $3,400 premyo.
Nakakuha pa si Orcollo ng karagdagang $3,600 cash prize sa kanyang runner-up finish sa Aramith Simonis Pro Classic One Pocket at $2,300 premyo sa isa pang runner-up sa Aramith Simonis Pro Classic 10-Ball.
Apat pang Pinoy players ang nasa Top 10 ng world rankings.
Nasa ikaapat na puwesto si Lee Vann Corteza na may $26,000 kasunod sa ikalima si Zoren James Aranas na nakalikom naman ng $24,790.
Ikapito naman si Francisco “Django” Bustamante na may $19,640 habang ikawalo si Filipino-Canadian Alex Pagulayan na may $17,100.
Ilang malalaking torneo ang nakansela sa taong ito kabilang na ang prestihiyosong US Open Championship at World Championships dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Tuloy naman ang ilang billiards tournament sa Amerika kaya’t minabuti na lamang ni Orcollo na manatili muna doon para sumalang sa ilang torneo.